“I wanted to see him. May ginawa siyang kasalanan sa akin. Ni-rape niya ako.”
Ito ang maluha-luhang pahayag ni Roxanne Cabañero nang humarap siya sa preliminary investigation para sa reklamong panggagahasang inihain niya laban kay Vhong Navarro.
Dismayado si Roxanne dahil hindi dumating si Vhong sa pagdinig sa Pasig Prosecutor’s Office ngayong Huwebes ng hapon, March 13.
Dito ay pinanindigan ng dalaga ang diumano’y kahalayang ginawa ng aktor sa kanya noong April 2010.
Ito ay sa kabila ng reklamong perjury na inihain ng aktor laban kay Roxanne, dahil pawang kasinungalingan diumano ang mga inihayag ng beauty-pageant contestant sa kanyang sworn statement.
Matatandaang kinuwestiyon ng kampo ni Vhong ang pabagu-bagong pahayag ni Roxanne kaugnay ng eksaktong petsa kung kailan ginawan siya ng karahasan ng aktor.
Ngunit nang tanungin ng media si Roxanne tungkol dito, ang tanging sinabi ng dating beauty-pageant contestant ay nais niyang ibaon sa limot ang insidenteng iyon.
Kaugnay nito, iginiit ng legal counsel ni Roxanne, si Atty. Virgilio Batalla, na tila masyadong napaaga ang paghain ng reklamong perjury ng kampo ni Vhong.
Ito ay sa kadahilanang wala pa namang pormal na kaso sa korte tungkol sa rape complaint ng kanyang kliyente.
“Sinong tinatanong niyo, yung abogado niya, well, palagay ko, iba siguro kami ng librong binabasa.
“Pareho kaming abogado, hindi naman kami gagalaw kung walang legal na basehan ang ginagawa namin.
“And we are very confident under the rules, under the law, under settled jurisprudence, this is something that can be done," saad ni Atty. Batalla.
HEARING FOR VHONG'S PERJURY COMPLAINT. Samantala, pormal nang naghain ang legal counsel ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga ng counter-affidavit ng aktor kaugnay ng alegasyong panggagahasa na kinahaharap ng aktor.
Kasama sa mga isinumiteng dokumento ng abugado sa Pasig Prosecutor’s Office ang sinumpaang salaysay ng mga testigo sa panig ni Vhong.
Ang mga natukoy na testigo ang siyang magpapatunay na kasama si Vhong sa concert ni Vice Ganda sa Island Cove, Cavite, noong April 24, 2010, at wala sa pinangyarihan ng alegasyong panggagahasa kay Roxanne sa Ortigas.
Kabilang dito sina Vice Ganda, kapatid ni Vhong na si Fercedan Navarro, producer na si Moises Manio, at tatlo pang miyembro ng Streetboys na sina Abner Molina, Jason Jolloso, at Izzan Sabello.
Kaninang umaga ay humabol ang singer-actor na si Kean Cipriano, na isa rin sa mga testigo ni Vhong, sa pagsumite ng kanyang sworn statement sa Pasig Prosecutor’s Office.
Sa ngayon, submitted for resolution na ang rape complaint ni Roxanne laban kay Vhong.
Hindi na rin naghain si Roxanne ng reply affidavit sa counter-affidavit na isinumite ni Vhong.
Nakatakdang magharap muli ang magkabilang kampo sa March 20 at 27 para naman sa pagdinig ng reklamong perjury na inihain ni Vhong laban kay Roxanne.
Source pep.ph
0 comments:
Post a Comment