latest Post

Aljur Abrenica wants out of contract with GMA Network

Thursday, 24 July 2014 | 21:47

Inihayag ni Aljur Abrenica na walang alok sa kanya ang ibang network kaugnay sa ginawa nitong pagdulog sa korte para makaalis sa poder ng GMA Network kung saan siya nakakontrata at humubog sa kaniyang showbiz career.

Nitong Huwebes, nagtungo si Aljur, kasama ang kaniyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, sa Quezon City Hall of Justice upang maghain ng Judicial Confirmation of Rescission of Contract laban sa GMA.

Sa 2017 pa nakatakdang magwakas ang kontrata ng aktor sa GMA.

Sa ulat ni Arniel C. Serato na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, sinabi umano ni Aljur na matagal niyang pinag-isipan ang ginawang hakbang.

"Kaya po ako nandito ngayon... sa totoo nga lang po, e, ayoko nga po sanang umabot sa ganito," aniya. "Ako po yung huling tao na magdedesisyon na malagay sa ganitong kalagayan."

Ayon pa kay Aljur, hindi raw siya nabibigyan ng pagpapahalaga at respeto sa career na nais niya.

"Kasi bilang seryosong aktor at musikero po, marami pa po akong gusto...kumbaga, lahat naman po tayo gusto nating mapabuti po tayo, for good cause naman po," saad ni Aljur sa ulat.

Patuloy nito, "At marami po tayong gustong matulungan, marami po tayong gustong marating. At sa akin pong nakikita, 'di na po nag-aakma, nagtutugma ang direksiyon na gusto nila para sa akin at direksiyon na gusto kong puntahan para sa career ko."

Sa kabila ng pagdulog niya sa korte, umaasa raw si Aljur na magiging maganda pa rin ang pagtitinginan nila ng network kapag natapos ang legal na usapin.

Hindi rin daw niya makalilimutan ang pinagsamahan nila ng network.

Inihayag naman ni Topacio na hindi sila nakikipag-away sa Kapuso network, at hangad nila na magkaroon ng "fruitful dialogue" sa GMA tungkol sa usapin.

GMA NETWORK STATEMENT.  Samantala, naglabas naman ng maikling pahayag ang GMA Corporate Communications kaugnay sa naging hakbang ni Aljur.

"GMA Network has not yet received a copy of the complaint filed by Mr. Aljur Abrenica. A statement will be issued when we have received and reviewed the contents of the complaint," saad sa pahayag.

Nagsimula ang career ni Aljur sa pagsali at pagkapanalo bilang Ultimate Hunk sa artista search ng GMA na StarStruck Season 4 noong 2007.

Mula noon, sunod-sunod na ang kaniyang naging mga proyekto kabilang na ang Zaido: Pulis Pangkalawakan, Dyesebel, Luna Mystica, Dapat Ka Bang Mahalin?, All My Life, The Last Prince, Ilumina, Machete, Coffee Prince, at ang katatapos lang na Kambal Sirena. -- FRJ, GMA News

About Erick Abel

Erick Abel
Recommended Posts × +