Friday, 30 May 2014 | 23:27
Nag-pictorial na ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera para sa kanyang kauna-unahang dance show sa telebisyon, ang Marian.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment press si Marian sa Studio 6 ng GMA-7 kunsaan ginanap ang pictorial niya noong Lunes ng gabi, May 26.
Kinumpirma ni Marian na ang magiging special guests niya sa pilot episode ng Marian sa June 22(Sunday night) ay ang Star for all Seasons na si Governor Vilma Santos at Diamond Star na si Maricel Soriano.
Sa pilot daw episode, ang magiging focus nila ay sa mga sayaw na pinasikat nina Ate Vi at Ms. Maricel.
“Ayaw naman naming sabihing throwback, pero, hindi dahil yun ang sayaw nila, e, yun na yun.
“May enhancement pa rin na gagawin.”
Anong mga preparasyon ang ginagawa niya para sa Marian?
“Preparasyon? Tulad ngayon, may shoot, may plug tapos, nagsayaw ako ng konti para sa teaser.
“Ang nakaka-excite kasi, ang daming magagaling na choreographer na nandiyan every time.”
May nagsasabi na kesyo ginagaya raw nila ang mga dance shows noong araw tulad noong kay Vilma at Alma.
Sabi naman ni Marian, “Ayaw ko namang sabihin na ginagaya, pero, isa yun sa mga pangarap at inspirasyon ng show na ito.
“At saka, wala naman pong makakatalo noong araw na mga dance shows na yun.
Nagsusuot ng tanga ang mga artistang may dance show noon, kaya niya rin bang gawin yun sa Marian?
“Tingnan natin, tingnan natin, depende sa konsepto,” nakangiting sabi niya.
Aminado naman si Marian na ang pagkakaroon ng dance show ang isa sa mga proyektong gusto talaga niyang magawa.
Sabi nga niya, “Oo, isa talaga ‘to, gusto ko talaga siya. Kaya noong sinabi sa akin ng GMA, sinabi ko talaga na isa ito sa mga pangarap ko na tinupad ng GMA: ang magkaroon ako ng dance show.”
Dancer rin ang boyfriend niyang si Dingdong Dantes. Nagsimula ito bilang miyembro ng Abztract Dancers.
Kung sakali, puwede niyang itong maging guest.
“Puwede,” nakangiting pagsang-ayon naman ni Marian.
Ang ilan na sa entertainment press ang nagbigay ng suhestiyon kay Marian na bakit daw hindi “I’ve Had the Time of My Life” ng Dirty Dancing ang sayawin nila.
“I like that, magandang suggestion ‘yan. O siya, tingnan natin. Magandang suggestion ‘yan. Ikokonsider ko ‘yan,” natatawa niyang sabi.
Modern dance ang ilan sa mga sayaw na nakasanayan na sayawin ni Marian bago pa man siya mag-artista.
“Hip hop kasi ako, Lambada, Macarena. Pero kung mag-ballroom, why not? Mahilig din kasi ako sa mga ganyan, e.”
Hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan na noong nag-aaral pa siya ay marami rin siyang dance contest na sinalihan.
“Sumali ako sa mga dance competition. Hindi lingid ‘yan sa kaalaman ng mga taga-school ko dati at kahit individual dance competition lumalaban ako.”
May formal dance lesson ba siya?
“Dance lesson, e, wala. Pero, bilang ang pamilya namin ay mahilig sumayaw at nahasa rin ako sa school, siguro isa rin yun sa mga dahilan kung bakit mahilig akong sumayaw.”
Sanay ang taong napapanood siyang umaarte lalo na sa mga teleseryeng nagawa na niya.
Pero ngayong dance show naman ang gagawin niya, sa dalawa, saan siya mas nahihirapan?
“Alam niyo, naniniwala naman ako na wala namang madaling gawin. Basta gusto mo ang ginagawa mo, lahat posible.
“So, love ko ang pag-arte, minahal ako ng mga tao diyan. At hilig ko rin ang pagsasayaw, nasa dugo ko talaga ang pagsasayaw.”
Pero, alam rin ni Marian na nakakapagod ang magkaroon ng dance show.
Sabi nga niya, “Alam niyo ngayon, may plug shoot ako, magpi-pictorial at magsu-shoot ako for OBB so, tatlo itong gagawin ko ngayong araw na ‘to.
“Tapos, dalawang araw ang rehearsal bago ang run. After ng Eat Bulaga, diretsong rehearsal.”
Mas magiging busy pa siya dahil sa dance show na Marian kumpara noon habang ginagawa niya ang primetime soap opera niya.
“Oo, kasi, yung Carmela, pupunta ka ng taping, magta-trabaho ka. Hanggang alas-dos, alas-tres tapos uuwi ka na.
“Pero ito, iba. Acting is acting. Pero ito, may rehearsal, may damit, may mga guests ka. Tapos, may interview kasing involved at ayoko namang mag-interview na wala akong alam sa tao, so, magri-research pa rin ako.”
Kung tatlo hanggang apat na choreographer raw ay meron sila kada-episode, isa rin sa excited si Marian ay sa mga damit na isusuot niya.
“Hindi rin biro ang mag-i-style sa akin. Iba-ibang designers kaya talagang effort talaga.”
May segment rin si Julie Anne San Jose sa Marian at ang magiging co-host naman niya ay si Paolo Ballesteros.
Personal choice niya ba si Paolo?
“Yung iniisip ko, yun ang inisip nila. Nagkataon talaga.
“Kaya noong sinabi sa akin, oo naman. Si Paolo ang isa na kahit hindi kami nagkikita, isa sa paborito kong artista dahil nakasama ko siya sa [Ang Babaeng Hinugot Sa Aking] Tadyangand from there, hindi kami nawalan ng communication niyan at inaanak ko ang anak niya.”
Close talaga sila?
“Masasabi kong oo, e. Naniniwala ako na ang magkaibigan, kahit na hindi mag-textan, pero kapag nagkita, nandoon pa rin ang spark, magkaibigan pa rin.”
Marami naman ang natutuwa sa tuwing nakakasama ng Dabarkads si Marian sa "Juan For All" segment ng Eat Bulaga.
At dahil sinimulan niya ang pamimigay ng suot-suot niyang relo, kinailangan na raw niyang mamili.
Natatawang kuwento ni Marian, “Namili na ko. Hindi na wall clock. Kaya lang wall clock, kinomedi ko lang para masaya lang.
“Pero ngayon, talagang may baon na kong relo. Bumili na ko.”
Bukod sa relo, may puhunan pa siyang binibigay.
“Puhunan ni Yan. Yun yung wallet na pink na may butterfly. Mahilig ako sa butterfly, symbol ng Marian, bagong buhay.”
Tatlong beses sa isang Linggo mapapanood si Marian sa "Juan For All" na ang pinili talaga ay ang nasa labas siya kesa nasa loob ng studio.
“Gusto ko talaga, e. Happy ako and to be honest, maraming nagtatanong sa akin, bakit pinipili mo sa labas, hindi sa studio na malamig?
“To be honest talaga, ako talaga ang may choice na gusto ko sa labas. Sa totoo lang, iba yung nararanasan mo kesa sa nakikita mo lang sa TV.
“Doon mo maa-appreciate kung anong buhay meron ka. Doon ka magiging thankful kung ano ang binigay sa ‘yo ng Diyos kasi, actual mong nakikita.
“At alam mo yun, kapag nagbibigay ka, yung mga tao, hindi mo naman puwedeng i-acting yun, live yun, e. Kung ano ang nararamdaman nila, ibig sabihin totoo.”
May plano pa yata ang Regal Film’s Lady producer na si Mother Lily Monteverde na siya na ang gagawan ng pelikula.
“Ah, okay, zombie land na ito. Why not? Basta kaya. Ang tagal ko rin namang naghintay kay Mother dahil gusto niya may gawin ako, pero, wala pa namang naibibigay.
“Hanggang wala pa, e, gogora muna ko sa Eat Bulaga at dito sa dance show ko.”
Ang susunod na soap opera naman ni Marian ay posibleng August o September pa niya simulan.
Aniya, “Kapag nag-soap ako, stop muna ko ng Eat Bulaga, hindi ko na kaya.”
Kung meron man siyang hindi nakakaligtaan, ito ay ang mga bonding moments o pagdi-date nila ng boyfriend na si Dingdong Dantes.
Sabi ni Marian, “Nakita niyo naman sa Instagram, ‘di ba, para-paraan.
“Alam niyo, kapag gusto niyo ang isang bagay, gagawa at gagawa ka ng paraan kahit one minute lang ‘yan.”
Malapit na rin siyang umalis papuntang Amerika. May shows siya sa Las Vegas, Los Angeles at San Francisco ngayong June.
Source: PEP.ph
0 comments:
Post a Comment