Alam niyo bang ilang oras na nabalot ng dilim ang malaking bahagi ng Luzon -- kasama na ang Metro Manila -- noong 1999 matapos magkaroon ng malawakang blackout na ang itinuturong salarin... sangkaterbang dikya o jellyfish.
Iba't ibang espekulasyon ang naisip ng publiko nang mawalan ng kuryente ang malaking bahagi ng Luzon noong gabi ng Disyembre 10, 1999. May mga nag-akalang may nagaganap na kudeta laban sa administrasyon ng noo'y nakaupong pangulo na si Joseph Estrada, na alkalde na ng Maynila ngayon.
Mayroon din nangamba na baka Y2K bug ang may likha ng pagkawala ng kuryente dahil sa pagsapit ng taong 2000.
Pero nang matapos ang imbestigasyon ng mga awtoridad, natuklasan na sangkaterbang dikya o jelly fish ang napasama at bumara sa water-cooling pump kaya nagkaaberya ang Sual Power plant at naging dahilan ng pagkawala ng suplay ng kuryente.
Nang maalis ang mga nahigop na dikya, sinabing umabot sa 50 trak ang dami ng mga ito.
Story from GMA News
0 comments:
Post a Comment